-- Advertisements --

Magpapatuloy ngayong Martes, Hulyo 14, ang cross-examination ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa ikalawang testigo ng House prosecution panel matapos ang anim na oras na pagdinig kahapon.

Bandang alas-8 ng gabi kapaon nang iminungkahi ni Senator-Judge Juan Miguel Zubiri ang pagpapaliban ng pagdinig habang nagpapatuloy pa ang pagtatanong ni defense counsel Atty. Mark Vinluan kay National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc.

Ayon kay Zubiri, bagama’t kinikilala niya ang masusing pagtatanong ng depensa sa mga isyung inilalahad sa paglilitis, minabuti nilang ipagpatuloy na lamang ito ngayong araw.

Tinanong naman ni Presiding Officer at Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero si Vinluan kung gaano pa katagal ang kanilang cross-examination. Tumugon ang abogado na nasa kalahati pa lamang sila ng kanilang pagtatanong.

Nilinaw ni Escudero na hindi nililimitahan ng impeachment court ang oras ng depensa sa cross-examination, kundi nais lamang nitong malaman kung maaari nang ipagpatuloy ang pagdinig sa susunod na araw.

Pumayag naman ang kampo ng depensa sa mungkahing ipagpatuloy ang paglilitis ngayong Martes.

Dahil dito, pormal na isinara ni Escudero ang ikaapat na araw ng impeachment trial.

Inaasahan ding ihaharap ng House prosecution panel ngayong Martes ang Office of the Vice President chief of staff na si Zuleika Lopez bilang ikatlong testigo laban kay VP Sara.