CENTRAL MINDANAO- Political will at advance na pag-iisip kontra Covid19 ang nagtulak sa City Government para pormal ng buksan ang kauna-unahang LGU-run Temporary Treatment and Monitoring Facility sa rehiyon.
Ito ay ayon na rin sa pamunuan ng City Hospital na ginawang TTMF para sa mga mild cases ng Covid19.
Ginawang pangunahing prayoridad ni City Mayor Joseph Evangelista na ayusin at i-convert ang naturang pasilidad bilang paghahanda sakali mang tumaas ang kaso ng Corona Virus Disease 2019 sa lungsod.
Pinabilisan ng City Government ang pagsasa-ayos ng City Hospital matapos magtamo ng kasiraan sa naganap na tatlong malalakas na lindol noong October 2019.
Mayroon 36 bed capacity ang kayang serbisyuhan ng TTMF para sa mga mild cases ng COVID19 kung saan ay may inilatag na kanya kanyang mga isolation rooms, at dagdag na mga medical equipment para sa pagpapagamot ng mga pasyente.
Bago ang opisyal na pagbubukas ng TTMF, ay binasbasan muna ito ni Rev Fr. Desiderio Balatero, DCK saka ginawa ang Ribbon Cutting Ceremony.
Maliban kay Mayor Evangelista, Chief of Hospital Dr. Hamir Hechanova, City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo at mga pinuno ng iba’t-ibang departamento ng City Government, ay dumalo rin sina City Councilors Marites Malaluan, Aying Pagal, Aljo Cris Dizon, Melvin Lamata Jr., at Ruby Padilla-Sison na bagamat ay nahuli, ay nakahabol pa rin sa blessing ng pasilidad.
Kaugnay nito ay ililipat na rin sa naturang pasilidad ngayong araw ang mga pasyenteng naka-isolate sa iba’t-ibang isolation facilities na tinayo ng City Government kontra Covid19.
Ang TTMF ay pauna lamang sa aktibong pagpapatupad ng kampanya kontra Covid19, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Pinaplanong na rin ang pagpapatayo ng sariling Covid19 Testing Facility ng City Government sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor, pagbubunyag pa ng alkalde.
Nagbigay katiyakan naman ang alkalde na bagamat, inaasahang tataas pa ang mga kaso ng Covid19 sa buong bansa, nakahanda ang City Government na tumugon para dito.
Kinakailangan lamang na maging disiplinado ang lahat at sumunod sa itinakdang mga Quarantine Protocols.
Simula ngayong araw ay maghihigpit na ang City Government at paiigtingin pa ang paghuhuli sa mga violators ng MGCQ Protocols sa lungsod, pagbabanta pa ni Mayor Evangelista.