Nagbabala ang mga eksperto mula sa OCTA research team na maaaring makaranas ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sa oras na luwagan ang umiiral na community quarantine.

Sa kabila ito ng tila pagbaba ng kasong naitatala ng Department of Health (DOH) kada araw.

Batay sa report, malaki umano ang tsansa na mas lalo pang kumalat ang nakamamatay na sakit habang nalalapit ang buwan ng Disyembre.

Dapat daw ay panatilihin muna ng gobyerno ang general community quarantine (GCQ) status sa NCR kasabay na rin ng pagpapaigting pa ng testing, contact tracing at isolation progrmas.

Makikita na bumaba ang COVID-19 cases sa bansa mula 4,300 noong Agosto ay 2,988 na lamang ito noong Setyembre.

Patuloy ding bumababa ang rate ng transmission, positivity rate at measures para sa hospital resource utilization sa Metro Manila.

Sa kabila nito ay hindi pa rin dapat magpakampante ang bansa at kailangan pa ring ipagpatuloy ang lahat ng hakbang para hindi na lumala pa ang krisis.

Inaasahan din ng UP OCTA research team na papalo ng 380,000 hanggang 410,000 ang maitatalang kaso ng deadly virus pagdating ng Oktubre 1.

Napansin din ng mga eksperto na bumaba ang COVID-19 cases sa Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Negros Occidental at Rizal.