ILOILO CITY – Emosyonal na dumipensa si dating Department of Health (DOH) Secretary at ngayo’y Iloilo 1st District Representative Janette Garin kaugnay sa isyu ng umano’y pag-hijack nito sa eroplano papunta sa Manila.

Ito’y makaraang lumabas ang isyu na pinaghintay ng kongresista ng dalawang oras ang eroplano na mula Iloilo paluwas ng Maynila.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Congresswoman Garin, sinabi nito na dumating siya sa Iloilo noong Linggo, Marso 22, sakay ng 11-seater plane na pagmamay-ari ng kanyang pamilya at kamag-anak.

Ayon kay Garin, dalawang specialists ng Research Intitute for Tropical Medicine (RITM) ang kasama niyang pabalik sa Manila alas-4:00 ng hapon dahil ito ang itinakdang oras ng Civil Aviation Authority of the Philippines.

Ngunit ipinaalam sa kanya ni Dr. Merly Covocar, direktor ng Department of Health Region 6 na mayroong tatlong medical technologists (med tech) na sasakay sa eroplano upang pumunta sa RITM.

Ang dalawang specialists na kasamahan naman ni Garin ang ay pinahiram lamang ng Research Intitute for Tropical Medicine upang i-set up ang Western Visayas Medical Center Laboratory upang maging COVID-19 (Coronavirus Disease 2019)-operational.

Hindi naman naging problema kay Garin ang pagsabay ng mga med tech sa eroplano ngunit ito ay hindi pinayagan ng airport control dahil wala ang pangalan ng mga ito sa manifesto na kontrolado ng National Government Executive Offices.

Samantala, hindi napigilan ng mambabatas na maglabas ng sama ng loob sa tabloid newspaper na nag-publish online ng nasabing balita.

Ayon kay Garin, hindi niya palalampasin ang sinuman na responsable sa pagpapakalat ng fake news.

Napag-alaman na isang nagpakilalang Cheska Lim ang unang nag-post sa social media ng umano’y pag-hijack ni Garin ng eroplano ngunit giit ni Garin, ito ay isang pekeng account lamang.