BAGUIO CITY – Ikinagalit ng alkalde ng Kabayan, Benguet, ang pagpayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pag-akyat ng mga trekker at hikers sa Mount Pulag.

Ito’y sa kabila kasi ng kautusan nito para sa temporaryong pagsara ng sikat na tourist site sa publiko bilang precautionary measure laban sa Coronavirus Disease-2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Kabayan Mayor Faustino Aquisan na sa kabila ng mga ipinapatupad na precautionary measures laban sa COVID-19 ay parang walang aksyon ang DENR dahil hindi tumupad ang mga ito sa kautusan.

Aniya, may mga trekker na nagtungo sa opisina niya na umapela para mapayagan ang pag-akyat ng mga ito sa Mount Pulag.

Gayunman, pinanindigan ng alkalde ang kanyang kautusan dahil pagsunod din niya ito sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government.

-- Advertisement --

Napag-alaman na bubuksang muli ang sikat na bundok sa mga turista sa darating na Pebrero 27.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay DENR-Cordillera Regional Executive Director Engr. Ralph Pablo, iginiit nito na wala siyang natanggap na abiso mula kay Mayor Aquisan ukol sa pagsuspinde sa mga tourism activities ng Mount Pulag.

Wala aniyang angkop na komunikasyon ang opisina ng alkalde sa kanya at nalaman na lamang niya ang hakbang sa Mt. Pulag sa pamamagitan ng Bombo Radyo.

Paliwanag pa ni Pablo, ang Mt. Pulag ay isang national park kaya sakop ito ng Protected Area Management Board kung saan siya ang chairman.

Dinagdag pa niya na hindi lang iisang local government unit ang may sakop sa Mt. Pulag kaya hindi puwedeng iisang alkalde ang magdedesisyon kung isasara ito.

Samantala, iginiit ni Mount Pulag Park Superintendent Emerita Albas na hindi basta-basta ang pagpapasara sa bundok dahil kailangan itong dumaan sa management board at sa kalihim ng DENR.