-- Advertisements --

Sinimulan nang talakayin ng House COVID-19 Committee ang mga hakbang na dapat gawin ng pamahalaan upang labanan ang inaasahang negatibong epekto ng krisis na dulot ng Coronavirus Disease 2019 pandemic sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa pamamagitan nang pagdaraos ng isang virtual technical working group meeting ay tinalakay ng komite ang mga rekomendasyon ng House Economic Stimulus Response Package Cluster para maiwasan ang inaasahang P1.08 trillion na pagkalugi ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Para magawa ito, binigyan diin ni Marikina Rep. Stella Quimbo na dapat matiyak ang patuloy na operasyon ng mga negosyo, partikular na ang mga napapabilang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Ayon kay Quimbo, P370 billion ang kailangan na ilaan para sa Fiscal Stimulus Package, na hahatiin sa mga sumusunod: wage subsidies sa mga non-essential sector o iyong mga tumigil sa trabaho dahil sa quarantine; interest-free loans at loan guarantees para sa mga malalaki at maliliit na kompanya; grants para masuportahan ang business resilience; at compensation para sa paid-sick leaves ng mga COVID-19 patients.

Sa ganitong paraan ay maisasalba hindi lamang aniya ang MSMEs pero maging ang mga empleyado dito na tinatayang aabot sa 29 million.

Sa naturang bilang, 6.5 million ang private workers sa tourism sector, habang 495,679 workers naman ang nasa trade industry – dalawang sektor na pinaka-apektado aniya ng COVID-19 situation.

Para naman kay House Economic Affairs Committee chairman Sharon Garin, nasa 1 million MSMEs, o 99 percent ng kabuuang bilang ng business establishments sa bansa, ang nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.

Magmula kasi nang ipinatupad ang enhanced community quarantine, tanging mga negosyo na napapabilang sa essential services ang nakapag-operate tulad ng mga ospital, pharmacies, restaurants, bangko, telecommunications at media.

Pero sa kabila nito, iginiit ni Garin na hindi dapat mawalan naman ng trabaho pagkatapos ng quarantine ang milyon-milyong empleyado sa mga MSMEs kaya mahalaga aniyang maipasa ang Fiscal Stimulus Package na kanilang isinusulong.

Kaugnay nito, isinusulong ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang pagkakaroon ng structural adjustment plans, kabilang na ang Negative Interest Loan (NIL) plan.

Ang NIL ay P350 billion loan package na ipapautang sa kompanya kapalit ang pagpapanatili sa kanilang mga empleyado.

Sa ilalim ng panukalang ito, ang maximum na halagang maaring utangin ng kompanya ay 50 percent ng kanilang direct labor costs.

Maaring bayaran ito sa loob ng tatlo hanggang limang taon sa pamamagitan ng aniya’y “negative” interest rates.

Bukod dito, iminumungkahi rin aniya nila ang Credit Refinancing and Mediation Services para matiyak na magagampanan ng MSMEs ang kanilang obligasyon sa ilalim ng paborableng terms of credits sa mga bangko, lending institutions, at financial intermediaries.

Bukod dito, inirekominda rin nila ang pagtatag ng National Emergency Investment Corporation na kahalintulad aniya ng Power Sector and Liabilities Management Corporation (PSALM), na pangangasawian ng Department of Finance.

Sa ngayon, pag-iisahin muna ng komite ang mga proposals na ito bago talakayin muli at aprubahan sa mga susunod na araw.