Mas lalo pang tinaasan ng mga eksperto mula Tokyo Metropolitan Government ang alert level hinggil sa coronavirus outbreak na muling nararanasan ng Japan.
Bigla kasing tumaas ang mga bagong kaso ng COVID-19 na naitatala ng bansa. Mula alert level 3 ay itinaas ito hanggang alert level 4 o “red” alert.
Dahil dito ay pinangangambahan ngayon ng mga analysts ang lalong pagkalugi ng ekonomiya ng Japan bunsod ng pandemic.
Ayon kay Norio Ohmagari, director ng National Center for Global Health and Medicine Hospital, tunay ngang nakakakita sila ng pagdami ng suspected COVID-19 patients na nagtutungo sa kanilang pasilidad.
Saad pa ni Ohmagari, bigla ring tumaas ang infection rate ng deadly virus sa mga kabataan maging ang asymptomatic cases na kanilang naitatala.
Muli namang nanawagan si Tokyo Governor Yuriko Koike sa kaniyang nasasakupan na huwag magpakampante at palaging sumunod sa mga umiiral na health protocols.
Nangako rin ito na nakahanda ang kaniyang gobyerno na pakinggan ang opinyon ng mga eksperto upang mapagtagumpayan ng lungsod ang laban kontra COVID-19.