VIGAN CITY – Hindi pa umano makakapagsagawa ng malalimang imbestigasyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa kaso ng 15-anyos na lalaki na pinaniniwalaang gumahasa sa dalawang pitong taong gulang na babae sa Barangay Bulala, Vigan City, Ilocos Sur.

Ito ay dahil hinihintay pa ng nasabing ahensya ang court order na ilalabas para makapagsagawa sila ng case study hinggil sa nasabing bagay.

Una nang sinabi ni Vigan City Social Welfare and Development Officer Cely Agcamara sa panayam ng Bombo Radyo Vigan na hindi umano nila maaaring ikustodiya sa kanila ang suspek dahil wala pa namang bilin mula sa korte.

Maliban pa dito, nito lamang buwan ng Mayo naipaalam sa kanila ang nasabing pangyayari samantalang nangyari umano ito noong Marso.

Natuklasan umano ito matapos na magkaroon ng urinary tract infection ang mga biktima at naikuwento nila sa kanilang mga magulang ang ginawa sa kanila ng suspek.