-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pormal nang binuksan ang Kalivungan Sports Activities na ginanap sa Provincial Capitol Gymnasium, Amas, Kidapawan City.

Ito ay inumpisahan sa pamamagitan ng isang parada na nilahukan ng mga sports enthusiast mula sa iba’t ibang munisipyo, ahensya at establisyimento ng lalawigan.

Ang simpleng programang ginanap ay hudyat ng pag-uumpisa ng mga palaro na isa sa mga highlights ng pagdiriwang ng 108th Founding Anniversary ng lalawigan.

Kasabay ng pagbubukas ng sports events para sa darating na Kalivungan Festival, inilunsad din ng pamahalaang panlalawigan ang Serbisyong Totoo Sports for All Program kung saan magiging sentro ng programang ito ang paglinang sa kakayahan ng mga kabataan at indibidwal sa pamamagitan ng pagsasagawa ng sports training and tournament na bukas sa lahat ng mga Cotabateños.

Ito ay isa sa mga inisyatibong programa ng pamunuan ni Governor Emmylou Taliño Mendoza sa ilalim ng Youth Empowerment at Sports Development Program na bahagi ng kanyang 12-point agenda.

Nakiisa rin sa nasabing opening and launching ceremony sina Board Members Joemar Cerebo, Ivy Dalumpines, RJ Caoagdan, SK Provincial Federation President Sarah Joy Simblante at Former Board Member Loreto Cabaya.