-- Advertisements --

Malapit na raw aprubahan ng Food and Drug Administration sa Estados Unidos ang viable antibody test na makakatulong para kaagad malaman ang immunity ng isang indibidwal laban sa 2019 coronavirus infectious disease (COVID-19).

Sinabi ni US Vice President Mike Pence na inaasahan nitong ilang araw lamang ang kakailanganin ng FDA para payagan na ang paggamit sa naturang antibody test.

Sa oras na aprubahan ito ay aabot ng halos 20 milyong test ang magagawa ng bansa sa isang buwan.

Sa pamamagitan din ng viable antibody test na ito ay madedetermina kung nagkaroon na ang pasyente ng coronavirus at kung maaari pa ulit itong dapuan ng parehong sakit sa susunod.

Nanawagan din ang bise presidente sa U.S. Congress na aprubahan din ang karagdagang $250 billion o halos P12 trillion para sa Small Business Administration’s Paycheck Protection Program.

Ito ay para tulungan ang maliliit na negosyo na lubha ring naapektuhan ng mga ipinatupad na patakaran sa estado para labanan ang pagkalat ng virus.