-- Advertisements --
JB Sebastian cremation
IMAGE | Alleged Jaybee Sebastian’s cremated remains/source

Pumanaw na dahil sa coronavirus disease (COVID-19) ang convicted na high-profile drug lord na si Jaybee Sebastian.

Batay sa kopya ng isang death certificate nakasaad na acute myocardial infarction o atake sa puso at COVID-19 bilang “other significant condition” ang sanhi ng pagkamatay ni Sebastian.

Sa edad na 40, binawian umano ng buhay ang inmate kahapon, July 18, sa New Bilibid Prison Hospital sa Muntinlupa City.

Ang ulat nito ay kinumpirma naman ng isang opisyal mula sa Panteon de Dasmarinas sa Cavite kung saan daw na-cremate ang labi ng high-profile drug convict.

Ayon sa officer in charge ng public cemetery, alas-9:22 kagabi nang dumating sa kanilang pasilidad ang bangkay ni Sebastian at inabot ng dalawang oras ang cremation.

Bukod kay Sebastian, tatlong high-profile drug convicts pa ang sinasabing na-cremate sa nasabing pasilidad, batay sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo.

Pinagpapaliwanag na ni Justice Sec. Menardo Guevarra si Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag hinggil sa pagkamatay ng ilang high-profile drug convicts.

Sa isang pagdinig sa Kamara noong 2016, itinuro ng ilan sa kanyang mga kapwa inmate si Sebastian bilang kilalang drug lord sa loob ng Bilibid.