Hinimok ni Trade and Industry Usec. Ruth Castelo na huwag nang gamitin ang hotline 8888 para sa consumer related concerns.

Matatandaang nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara ang PLDT kapag hindi naisaayos ang government hotline na tumutugon sa mga sumbong ng karaniwang mamamayan.

Pero ayon sa ilang eksperto, natatambak o kaya ay nasa waiting status ang mga tawag kaya hindi ito nakakapasok agad.

Ani Castelo, malaki ang mababawas sa mga caller kung lilipat ang iba sa DTI hotline.

Sa pamamagitan umano ng pag-dial ng 1-DTI o 1384 ay mas mapapabilis ang aksyon dahil konektado na ito sa mga local offices ng ahensya na nakakasakop sa mga uri ng sumbong.

Lumalabas na maraming tawag ukol sa presyo ng bilihin, kalidad ng produkto at violations ng mga kompaniya ang napupunta sa 8888, kaya hindi makayanan ng general service hotline ang nasabing mga reklamo.

Tiniyak naman si Castelo na may sapat silang tao at pasilidad para tugunan ang mga complaint na maipararating.