CEBU – Layunin ng Consul General of China Zang Zhen na palakasin ang ugnayan ng lalawigan ng Cebu at Fujian sa bansang China sa larangan ng turismo, kalakalan at pamumuhunan.
Ito ang naging pahayag ni Zhen sa kanyang pagbisita sa opisina ni Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia.
Isang welcome development naman para kay Governor Garcia ang plano ng Consul at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagbubukas ng direct flights mula Cebu patungong Fujian at vice versa.
Inihayag ng gobernadora na ang hakbang na ito ay makatutulong sa dalawang lalawigan upang mapaunlad ang kani-kanilang ekonomiya sa pamamagitan ng turismo, kalakalan at pamumuhunan.
Bukod sa ikinatuwa ni Garcia na babae rin ang Consul General ng China ay ibinahagi rin nito ang kanyang pasasalamat sa matagal na pakikipag-alyansa ng bansang China sa lalawigan ng Cebu.
Hindi rin nakalimutan ng gobernadora na magpasalamat sa karatig bansa lalo na sa pagtugon nito sa mga pangangailangan ng lalawigan ng Cebu noong panahon ng COVID-19 at bagyong Odette.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mga plano ng dalawang lider para sa pagpapaunlad ng kanilang mga lalawigan.