-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Alan Peter Cayetano na walang pambabrasong mangyayari sa gagawing botohan sa mga panukalang batas na naglalayong bigyan ng 25-year franchise ang ABS-CBN.

Sinabi ni Cayetano na hahayaan ng liderato ng Kamara na bumoto ang mga kongresista sa naturang usapin base sa kanilang sariling posisyon at paninindigan o “conscience vote.”

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit naman nila binuksan sa publiko ang mga pagdinig sa prangkisa ng Lopez-led broadcast company.

Ayon kay Cayetano, sa ganitong paraan ay makikita at matitimbang din mismo ng publiko ang magkakaibang punto sa naturang usapin.

Sa pagdinig ng Kamara kahapon, Hulyo 6, sinabi ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Jose Antonio Sy-Alvarado na magsusumite si Speaker Cayetano ng kanyang written testimony hinggil sa umano’y bias at favoritism ng ABS-CBN noong campaign period ng 2016 national elections.

Ito ang piniling gawin aniya ng lider ng Kamara upang sa gayon ay mapanatili ang fairness at impartiality ng franchise hearing at para hindi rin maimpluwensyahan ang posisyon ng ibang partido hinggil sa naturang issue.