Reading Time: 1 minute

CAGAYAN DE ORO CITY – Iminungkahi ngayon ng Philippine Veterans Investment Development Corporation (Phividec) na palakasin pa ang computer system ng Bureau of Customs (BoC) upang agad na maharang ang anumang kontrabando na itatangkang maipasok sa mga daungan ng Pilipinas.

Ito ang paliwanag ni Phividec administrator Atty. Franklin Quijano kaugnay sa sunod-sunod na pagkakapuslit ng imported waste materials sa Mindanao Container Terminal (MCT) sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.

Sinabi ni Quijano na kahit pagbiyahe pa lamang ng imported goods na isasakay ng mga barko ay agad na itong malalaman sa pamamagitan ng computer systems sa kada bansa kaya dapat na matutukan nang husto ng bawat gobyerno.

Inihayag ni Quijano na napapanahon na rin na palakasin pa ng Pilipinas ang mga batas na magbabawal sa mga imported waste na makapasok sa mga daungan lalo pa’t paborito umano ng mas mauunlad na mga bansa ang third world o developing countries na tambakan ng kanilang mga basura.

Dagdag ng dating city mayor ng Iligan City na tanging maitutulong lamang ng Phividec sa BoC ay kung mas maaga silang makakuha ng intelligence information kaugnay sa papasok na mga kontrabando na dadaong sa Phividec ay agad nila ito ipagbigay-alam.

Ang Phividec ay isang industrial estate na mayroong kabuuang 3,000 ektarya na lawak ng lupain sa Misamis Oriental kung saan nakabase ang BoC upang mapadali ang pagharang ng anumang mga kontrabando na dadaan sa MCT na mula pa sa ibang mga bansa.