Isang petisyon ang inihain sa Commission on Elections (Comelec) na humihingi ng diskwalipikasyon sa Smartmatic sa paglahok sa procurement para sa 2025 Automated Election System (AES).
Ang 10-pages petition, ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia ay natanggap ng kanilang ahensya sa pamamagitan ng email.
Kabilang sa mga nagpetisyon ay si dating Comelec Commissioner Augusto Lagman.
Ayon sa mga petitioner, base sa impormasyon at datos mula mismo sa Comelec, may nadiskubre silang malalang iregularidad sa Automated Election System na ibinigay at idineploy ng Smartmatic noong May 2022 elections.
Sinabi nila na kinabibilangan ito ng mga pagkakaiba sa pagitan ng mga transmission log at reception logs ng election returns mula sa antas ng presinto hanggang sa Transparency Server (TS) ng poll body.
Noong nakaraang buwan, inihayag ng Comelec ang pinakabagong mga detalye na inaasam nitong magkaroon para sa isang bagong hanay ng mga makina na gagamitin sa 2025 polls.