-- Advertisements --

Handang ipursigi ni Comelec chairman George Erwin Garcia ang kaniyang adbokasiyang gawing hybrid ang susunod na eleksyon sa bansa.

Sinabi ni Garcia sa Bombo Radyo Philippines na ito ay para sa mas mabilis at transparent na halalan sa pamamagitan ng mano-manong pagbibilang ng isang electoral board sa resulta ng mga boto na makikita rin aniya ng mga poll watchers.

Maliban pa ito sa mano-manong election results na hinuhulog naman ng bawat botante sa ballot box na magsisilbi namang patunay sa kanilang ibinoto.

Ngunit nilinaw naman ni Garcia na kukonsulta pa rin siya sa iba pang miyembro ng Comelec en banc batay sa kanilang kaalaman at karasanan lalo na sa pagpapatakbo ng halalan kasabay na rin ng pagkumbinsi sa mga ito sa magandang maidudulot nito sa komisyon at sa bansa.

Binigyan-diin din niya na maging ang lahat ng factors na may kaugnayan dito ay kanilang ikokonsidera bago mapagdesisyunan kung ipapatupad ba o hindi ang naturang adbokasiya.

Kung maaalala, una nang itinulak ni Senator Imee Marcos sa 18th Congress ang adoption ng hybrid election system.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 7 p ang Hybrid Election Act na inihain noong Huly 2019, kinakailangan na magsagawa ng manula tallying ng mga boto sa precinct level upang tiyakin na ang lahat ng bilangan ng boto ay isasagawa sa isang full public view na bukas rin sa video recording at live streaming sakaling kailanganin para sa fact-checking.

Habang nakasaad naman sa Republic Act 9369 ang mandato ng poll body na magpatupad ng automated election system kung saan gumamit ito ng Precinct Count Optical Scan (PCOS), at Vote Counting Machines (VCMs) para sa national at local elections simula taong 2010 hanggang sa nakalipas na May 9, 2022 elections.