Nahuli ng mga otoridad si Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro sa Mactan Cebu International Airport nang nakatakda na sana itong babiyahe patungong Maynila.

Una rito, nagsumbong ang isang masahista sa pulisya na sinuntok umano ito ni Navarro sa loob ng isang massage parlor sa Fuente Osmeña, Lungsod ng Cebu kagabi.

Inakusahan ni John Dueñas ang mayor na sinuntok ang kanyang tiyan nang pagpasok nito.

Ayon pa kay Dueñas, lasing umano ng pumasok ang mayor at naghahanap pa ng babaeng masahista na magserbisyo sa kanya.

Ngunit nang sinabihan nitong wala na silang babaeng masahista dahil may mga kostomer din sila, bigla nalang umano itong nagwala at nakipaghamon ng suntukan.

Dagdag pa nito na sinuntok umano siya ng ilang beses ni Navarro.

Sinabi din ni Dueñas na matapos itong nanuntok, nagpamasahe pa siya sa isang babaeng masahista at nagpa-masturbate pa nito.

Sa ngayon, plano ng biktimang sampahan ng kaso ang mayor ng physical injuries at acts of lasciviousness.