NAGA CITY – Hinamon ngayon ng Citizen Crime Watch (CCW) si Health Secretary Francisco Duque III na bumaba na sa kanyang posisyon.

Ito’y may kaugnayan sa umano’y patong-patong na isyu at kontrobersiya na umusbong sa loob ng ahensyang hinahawakan nito.

Sa isang press conference ni Atty. Diego Magpantay, presidente ng Citizens Crime Watch (CCW), binigyan diin nito na sa procurement aspect pa lamang, nagkaroon na ng anomalya sa Dengvaxia issue.

Sa ngayon ayon kay Magpantay, mas nakatutuk sila sa kaso ng mga namatay dahil sa naturang bakuna at sa nasabing procurement aspect.

Makikita rin aniya rito na talagang minadali ang naturang usapin bago pa man dumating ang 2016 election.

Sa kabilang dako, ayon kay Magpantay, natatagalan ang imbestigasyon ng Ombudsman sa mga isyu sa Dengvaxia dahil dalawang tanggapan ang gumagalaw para rito kasama na ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).