-- Advertisements --

Inihalintuad ng Commission on Human Rights (CHR) sa mga frontliners ng kasalukuyang COVID-19 crisis sa bansa ang kadakilaan ng mga beteranong nakipaglaban noong World War II bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan kahapon, April 9.

“Ang kanilang katapangan, kahandaang mag-sakripisyo, at mag-alay ng buhay ay mga katangian na nananalaytay sa mga kasalukuyang bayani ng ating bayan,” ani CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia.

“Sa gitna ng krisis sa kalusugan, maihahalintulad ang giting at tapang ng mga frontliners sa mga bayani noong panahon ng digmaan. Sa kabila ng panganib na dulot ng coronavirus disease-19 (COVID-19), sila ay matapang na nag-se-serbisyo at nag-sa-sakripisyo araw-araw,” dagdag ng opisyal.

Hinimok ng tagapagsalita ng CHR ang publiko na huwag lang basta palipasin ang araw na nagdaan nang hindi inaalala at binibigyang pugay ang mga bayani ng nakaraan at kasalukuyan.

Pinaalala rin ni Atty. De Guia ang kahalagahan ng ginagawang sakripisyo ng frontliners ngayon, na makabubuti umano kung susundin na para malabanan ang pandemic na virus.

“Sumunod sa social distancing at hygiene practices; tumulong sa mga kababayang kapuspalad; mag-volunteer sa mga iba’t ibang inisyatiba; magbahagi ng tama at makabuluhang impormasyon; i-report ang mga pang-aabuso at katiwalian; at marami pang iba.”

“Tayong lahat ay maaaring maging bayani at makipagbayanihan sa ating simpleng paraan para maitaguyod ang karapatan at dignidad ng ating mga kapwa Pilipino. Katulad ng mga nagdaang pakikibaka ng ating bayan, kapag pinagsama-sama ang mga kabutihan at sakripisyo ng bawat isa, mapagtatagumpayan natin ang kasalukuyang hamon sa kalusugan.”