Reading Time: 1 minute

NAGA CITY – Kinumpirma ngayon ng taong huling nakasama ng negosyanteng pinira-piraso ang katawan sa lalawigan ng Camarines Sur na may lumitaw ng testigo sa likod ng naturang krimen.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Crispin Bon, ang katuwang ng biktimang si Socimo Arciaga sa pamimili ng mga kambing na CamSur, sinabi nitong may mga taong nakakita habang sakay ng isang L300 van ang biktima.

Ayon kay Bon, base aniya sa salaysay ng naturang witness, tatlong hindi pa nakikilalang mga indibidwal ang sakay ng naturang sasakyan habang napapagitnaan ang Arciaga.

Kinumpirma rin aniya ito ng isa sa mga Barangay officials ng Itulan, Pasacao na nakakita rin sa naturang sasakyan.

Kwento ni Bon, iniwan siya ni Arciaga sa lugar habang hinahanap niya ang iba pang nawawalang kambing dahil may bigla umanong tumawag rito pero hindi naman sinabi kung sino.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Bon sa pamilya Arciaga na handa siyang tumulong para matukoy ang mga suspek na nasa likod ng pangcha-chop chop sa katawan ng biktima na itinapon sa dalawang barangay sa bayan ng Libmanan.