Kinumpirma ng Philippine Coast Guard na wala ng presensiya ng Chinese research vessel na namataan noong Abril na nagbababa ng equipment malapit sa Catanduanes o maging sa Northern Samar.
Ayon kay PCG spokesperson for the west PH Sea Commodore Jay Tarriela, huling namataan ang barko ng China na Shen Kuo noong Mayo 1.
Una ng sinabi ng PH Navy na kanila pang inaalam kung anong equipment ang ginamit ng naturang research vessel ng China.
Matatandaan na una ng napaulat na naglayag ang naturang research vessel mula sa Shenzhen port noong Abril 13 at dumaan sa Itbayat at Basco, Batanes noong Abril 22.
Naobserbahan din ang barko na naglayag patimog sa loob ng 11 nautical miles ng baybayin ng Mapanas, Northern Samar noong Abril 25 bago muling nagtungo sa hilagang direksiyon hanggang sa marating nito ang katubigan ng Catanduanes kung saan namonitor ito ng AFP.
Sinabi ni Comm. Tarriela na hindi malinaw kung ano ang layunin ng chinese research vessel sa pagpasok nito sa exclusive economic zone ng ating bansa subalit posible umano na nagsasagawa ito ng hydrographic survey.
Ang paglalayag ng Chinese-flagged research vessel sa nasabing karagatan ay kasunod ng namataang mas maraming barko ng China na nagsasagawa ng shadowing sa naval vessels ng PH, US at France sa kasagsagan ng Balikatan joint military exercise sa WPS.