Reading Time: 1 minute

BUTUAN CITY – Inakasikaso na ng Butuan City Police Station 4 ang mga dokumento at mga ebidensyang gagamitin para sa isasampang kaso laban sa tatlong Pinoy at isang Chinese national na naaktuhang may kargang endangered specie na kahoy.

Nakilala ang mga nahuling sina Benzar Ali Laguindad Mampa, 34-anyos, driver ng kanilang sinakyang Avanza; mga Pinoy guide na sina Ibrahim Acmad Sison at Mundi Makalangan, kapwa 47-anyos na residente sa bayan ng Gov. Generoso sa Davao Oriental; at ang Intsik na si Seng Kin Han, 30, may asawa at taga-Fujian, China.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni station commander PCaptain Rodel Dorado na nadakip nila ang mga suspek sa kanilang checkpoint sa Barangay Ampayon pasado alas-10:30 kagabi.

Hindi umano gaanong nakakaintindi ng Ingles ang Intsik kaya pinaniniwalaan nilang financier ito ng mga Pinoy upang mapalusot ang mga kahoy na Argawood o mas kilalang Lapnisan na may timbang na 17 kilos at tinatayang nagkakahalaga ng P2.5 milyon.

Dagdag pa ng sa opisyal, ang presyo sa bawat-kilo ng kahoy depende sa grade nito at inalam pa nila kung saang parte ng Surigao del Norte nila ito kinuha.

Matapos ang kanilang pagsasampa ng kaso ay makikipag-ugnayan sila sa Bureau of Immigration upang malaman kung legal ang pagpasok nito sa ating bansa.