-- Advertisements --

Binigyang halaga ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang kamulatan ng bawat Pilipino hinggil sa tunay na sitwasyon ng bansa.

Sumentro ang kanyang isinapublikong pahayag sa pagbibigay babala sa publiko ng kanyang sambitin na hindi lamang raw mga dayuhan ang may nais manakop.

Kundi aniya’y kalaban rin sa kasalakuyang panahon ang katiwalian, walang pakialam at pang-aabuso na makikita raw sa sari-sariling mga bakuran o ng bansa.

Kaugnay ito sa kanyang naging mensahe ngayong ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite nang siya’y personal na dumalo ng selebrasyon.

Si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo kasi ang nanguna sa isinagawang flag-raising ceremony bilang panauhing pandangal sa makasaysayang balkonahe ng Aguinaldo Shrine.

Kaya’t bunsod nito’y kanyang hinimok ang sambayanang Pilipino na hindi natatapos sa selebrasyon ang pagdiriwang ng Kalayaan bagkus dapat sabayan ito aniya pati ng pagkilos.

Ayon pa sa kanya’y dapat pagtibaying muli ang panata na siyang nagluwal sa kasarinlan ng bansa sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga anak o kabataan na isapuso ang prinsipyo ng mga bayani.

Dito niya binigyang halaga ang pagmamahal sa bayan, pagsasakripisyo ng sariling interes para sa ikabubuti ng nakararami, at ang walang humpay na pagpupursigi upang patuloy na mapabuti ang bansa.