© Web Photo

CEBU CITY – Nanindigan ang Cebu PNP na walang nakitang indikasyon na ginahasa ang Grade 9 student na si Christine Lee Silawan, na matatandaang binalatan ang mukha at kinuha pa ang ilang internal organs.

Ito’y matapos hindi magtugma ang unang autopsy result ng National Bureau of Investigation (NBI) sa katawan ni Silawan sa isinagawang re-autposy ng Public Attorney’s Office (PAO) kung saan napag-alaman umanong ginahasa ang dalaga.

Ayon kay P/Lt. Col. Benjamin Lara, wala silang nakitang semilya ng lalaki sa pribadong parte ng katawan ni Silawan sa pamamagitan ng DNA swab sample na kinuha mula sa ari ng biktima.

Ngunit nilinaw ni Lara na ang resulta ng DNA ay hindi basihan kung nagalaw nga ang biktima dahil ang kasong rape ay hindi lamang sa pamamagitan ng coitus o sexual intercourse.

Maaari rin umanong gumamit ang suspek ng condom o hindi kaya’y ibang klase ng sexual abuse ang ginawa sa biktima.

-- Advertisement --

Gayunman, wala umano silang nakitang “fresh wound” sa ari ni christine kaya nanindigan silang wala itong indikasyon ng panggahasa.

Samantala, ayaw namang magbigay ng komento ni Lara sa findings ng PAO.