Nakahanda ang Lalawigan ng Cebu na buksan ang mga borders nito sa iba pang local government units sa bansa na handang pumasok sa isang kasunduan sa Kapitolyo para sa pagpapatupad ng joint biosecurity measures laban sa African Swine Fever (ASF).
Ito ang naging pahayag ni Cebu Gov. Gwen Garcia sa isinagawang presscon noong Huwebes kung saan tinawag pa nitong epektibo ang ipinapatupad na mga hakbang ng lalawigan para protektahan ang lokal na industriya ng baboy.
Hindi na umano mahalaga kung ano ang color status ng isang lgu basta pumasok lang sila sa isang memorandum of agreement kung saan ano man ang mga protocol dito ay dapat ding ipatutupad sa kani-kanilang mga lugar.
Batay pa sa hog population ng lalawigan, aabot ito sa kabuuang 616,930 kung saan 278, 887 ang backyard swine farms habang 338,043 ang commercial farm population.
Samantala, nananawagan naman ng pagkakaisa si Garcia sa lahat ng gobernador at mga alkalde sa buong bansa para magkaroon na ng katapusan ang umano’y “ineffective” na polisiyang ipinatutupad ng Bureau of Animal Industry sa pamamahala sa ASF.
Sinabi pa ng opisyal na panahon na umano para gumawa ng aksyon dahil hindi naman ang animal industry ang nagluklok sa kanila sa pwesto kundi ang taumbayan kaya marapat lamang na pagsilbihan ang mga ito para sa kanilang kapakanan.