-- Advertisements --

Masyado pa raw maaga para kumpirmahin ang posibilidad na pagpapaluwag sa community quarantine measures ng Cebu City, dahil sa nakitang pagbaba umano ng positivity at mortality rate ng lungsod.

Ayon kay Health Usec. Leopoldo Vega, kailangan pa rin pag-usapan ng Inter-Agency Task Force ang ilang konsiderasyon bago magbaba ng desisyon sa adjustment ng community quarantine measures.

“Hindi pa natin masasabi yan kasi it’s too early to say pero ‘pag mag-progress ‘yan. Magde-decrease ang lahat ng metrics na nagi-improve ang Cebu City (in terms of cases), ‘yan ay paguusapan sa IATF whether to downgrade ang Cebu City to GCQ (general community quarantine),” ani Vega sa Malacanang press briefing.

Una nang sinabi ng opisyal na naging epektibo ang pagsasailalim ng lungsod sa enhanced community quarantine kaya may pagbaba sa kanilang positivity at mortality rate.

Sa ngayon ang tinitingnan pa lang daw nang concerned officials ay ang posibilidad na pagbubukas ng ilang establisyemento.

“Ang aming pini-prepare dito sa Cebu yung possibility na mag-open na naman ang economy at kailangan ang health system dito may capacity, at dapat sila ay naka-network sa both public and private para mabigyan ng proper referral ang mga patients na nangangailangan ng mga medical attention (sa both public and private).”

Sa huling datos na nilabas ng DOH, as of June 30, nasa 7.62-days ang case doubling time ng lungsod.

Ang kanilang kabuuang critical care utilization rate ay nasa 62.45-percent. Binubuo ito ng porsyento ng mga ICU beds, isolation beds at mechanical ventilators ng mga ospital sa Cebu City na okupado na.