-- Advertisements --

CEBU CITY – Nakahanda ang pamahalaang lungsod ng Cebu na magbigay ng tulong sa mga Cebuano na nasa Israel na nangangailangan ng tulong upang makabalik sa bansa.

Ito ay kasunod ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israel at ng militanteng grupong Hamas.

Ipinag-utos ni Cebu City Mayor Michael Rama sa Department of Manpower Development and Placement (DMDP), sa pangunguna ni Engr. Ma. Suzanne Ardosa, na makikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, tulad ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para malaman ang sitwasyon at kalagayan sa Israel-Palestine.

Sa ngayon ay wala pa naman aniyang natatanggap na tawag ang Cebu City government na humihingi ng tulong mula sa mga Cebuano o sa kanilang mga pamilya sa mga nasabing bansa.

Tiniyak naman ni Rama na makikipag-ugnayan din ito sa pambansang pamahalaan upang agad na makapagbigay ng tulong at suporta ang lungsod kung kinakailangan.