CEBU CITY – Aapela si Cebu City Mayor Edgardo Labella sa Inter-agency Task Force (IATF) upang i-reconsider ang rekomendasyon na pagpapatupad ng mas mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) sa lungsod.

Sa naging press conference ng alkalde, iginiit nito na nananatiling mababa naman daw ang fatality rate sa one percent sa buong bansa at 54 percent naman ang naitalang recovery rate dahil sa kanilang intervention.

Tinanggap naman ng mayor ang desisyon ng IATF at nananawagan ito sa mga Cebuano na sumunod muna sa mas pinahigpit na mga quarantine measures habang ginagawa pa ang pag-apela nito.

Sinabi rin nito na lubusang nababahala ang mga doktor dahil sa lumalalang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod at puno na umano pagamutan ng mga pasyente.

Pinamamadali ngayon ni Labella ang mga kapasidad ng mga pagamutan sa lungsod upang maka-accommodate ito ng mas marami pang mga pasyente.

Iniutos din ni Labella sa Cebu City PNP at mga force multipliers na sitahin ang mga pasaway sa ipinatupad na mga lockdown measures.