-- Advertisements --

CEBU CITY – Inanunsyo ni Cebu City Sports Commission Chairman John Pages na magiging venue pa rin sa nalalapit na Palarong Pambansa sa darating na Hulyo ang mga venue na ginamit sa kamakailang natapos na Central Visayas Regional Athletic Association.

Sa kanyang pagbisita sa opisina ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia para iulat ang pinakabagong development hinggil sa pagho-host ng lungsod sa kaganapan, sinabi nito na pinal na ang mga venue kabilang dito ang mga mall, unibersidad, at pribadong palaruan.

Nagbigay din ito ng update sa kalagayan ng oval sa Cebu City Sports Center na kasalukuyang sumailalim pa sa pagsasaayos.

Samantala, naglabas na ng marching order si Acting Mayor Garcia sa lahat ng police station commanders ng lungsod na taasan ang ‘police visibility’ lalo na security preparation sa Palarong Pambansa ngayong taon.

Sinabi pa ng opisyal na kailangang ipadama ang presensya ng pulisya at maglagay ng beat patrols sa bawat kritikal na lugar ng lungsod lalo na sa crime prone areas.

Kailangan pang tiyakin ang kaligtasan ng mga delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil aniya hindi lang mata ng mga Cebuano ang nakatutok sa lungsod kundi ang buong Pilipinas.