CEBU CITY – Inanusyo ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia na walang mga pagbabago sa pamunuan sa City Hall dahil ang kanyang hinahangad lamang umano ay isang maayos na transition.
Sinabi ni Garcia nakatrabaho niya ang karamihan sa mga kasalukuyang department heads kaya kumpiyansa siyang maihahatid nila ang parehong gawaing ibinigay nila sa suspendidong alkalde.
Upang tiyakin na tuloy-tuloy ang mga government service, itinalaga ng acting mayor si Liezel Calamba bilang City Assessor, Sam Salimbago bilang Chief of Staff, at abogadang si Christine Joyce Batocan bilang City Administrator.
Parehong mula sa Office of the Vice Mayor sina Salimbago at Batocan na pumalit kay city administrator Collin Rosell at city assessor Maria Teresa Rosell na nasuspinde ng anim na buwan.
Nanawagan naman ito ng pagkakaisa at pakikipagtulungan upang mapanatiling normal ang mga bagay sa city hall dahil ang pangangasiwa at pamumuno na kanyang hawak ay hindi lang ilang linggo kundi ilang buwan.
Samantala, ibinunyag pa ng opisyal na ipinag-utos na nito ang agarang pagrelease sa sahod ng apat na regular na empleyadong hindi nasahuran sa loob ng ilang buwan.