CAGAYAN DE ORO CITY – Mahigpit na binigyang seguridad ng pulisya at militar ang umano’y opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA- NDF) na una nilang naaresto sa bisa ng court warrant of arrest habang nagtatago sa Purok 3,Barangay Paitan,Quezon,Bukidnon.

Ito ay matapos ang ilang intelligence monitoring ng Regional Special Operations Unit ng Police Regional Office 10 ukol sa impormasyon at lokasyon ng akusado na si Adelaida Magtapoc alyas Gwen na taga-Purok 1,Barangay Bitan-agan,Butuan City na nagpalamig sa bahagi ng Bukidnon habang may kinaharap na kasong kriminal sa korte ni RTC Branch 7 Presiding Judge Zenaida Placer ng Bayugan City,Agusan del Sur.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni RSOU 10 investigator Police Cpl Rex Gulben na inaresto nila kasama ang puwersa ng militar si Magtapoc dahil sa kasong robbery with double homicide and damage to properties.

Inihayag ni Gulben na ang kanilang naaresto ay mayroong patong sa ulo na P5.3 milyon dahil sa pagiging wanted nito sa batas.

Nakompiskahan rin PNP-AFP joint operatives ang suspek ng mga ebedensiya na mayroong kaugnayan sa kinabibilangan nito na armadong grupo.

Kasalukuyang nakakulong muna sa mini-cell ng Quezon Municipal Police Station at mahigit na binantayan ang akusado habang inihanda ang karagdagang kaso isasampa sa piskalya bago e-presenta sa korte ni Placer sa Caraga region.

Si alyas Gwen ay dating kalihim ng Far South Mindanao Region,consultant ng NDF at napabilang rin sa CPP-NPA-NDF central committee.

Si RSOU 10 investigator Police Cpl Rex Gulben

Magugunitang bago ang pagka-aresto ni Magtapoc ay sumuko ang muna ang NPA front secretary at walong kasamahan nito sa 23rd IB,Philippine Army na nakabase pa rin sa rehiyon ng Caraga.