CAGAYAN DE ORO CITY – Nilaliman pa ng pulisya ang kanilang imbestigasyon ukol sa nangyaring pagkabaril-patay ng isang paring Katoliko sa Sitio Pal-ing,Barangay Patpat,Malaybalay City,Bukidnon.

Photos supplied by Bukidnon PNP

Ito ay matapos nakatanggap ng seryosong banta ng buhay ang 42 anyos na si Rev. Fr Rene Regalado na taga-Valencia Cit na kasalukuyang naka-destino sa Malaybalay City Diocese bago hinarang ng hindi kilalang mga salarin at pinagbabaril ang ulo ng maraming beses gamit ang kalibre 45 na armas sa gilid ng daan sa lugar.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Malaybalay City Police Station commander Lt Col Jerry Tambis na pauwi na ang biktima sakay ng kanyang minaneho na sports utility vehicle mula isang seminaryo pabalik sa Camelite Monastery nang hinarang ng mga suspek at puwersang pinababa at binaril hanggang sa bawian ng buhay.

Inihayag ni Tambis na agad nag-responde ang kanilang tropa subalit ang nakahandusay na katawan na lamang ng pari na wala ng buhay ang kanilang naabutan kagabi.

Sinabi ng opisyal na nagpapatuloy pa ang kanilang pag-iimbestiga upang alamin kung mayroong kinalaman sa kinaharap na rape case ng pari na unang nangyari habang kura paroko pa umano ito sa bayan ng Lala,Lanao del Norte.

Si Malaybalay City Police Station commander Lt Col Jerry Tambis

Tumanggi na muna ang PNP na maglabas ng anumang espekulasyon habang hinihintay ang malilikom na mga ebedensiya ng kanilang mga imbestigador kaugnay sa pangyayari.