Umaapela sa publiko ang mga kongresista, pati ang ilang opisyal sa ehekutibo, na sumunod sa safety protocols ng pamahalaan at iwasan muna ang paglabas sa bahay sa gitna nang kinakaharap na krisis dulot ng COVID-19.

Para bigyan diin ang umiiral na enhanced community quarantine, nagpakuha ng litrato sina Speaker Alan Peter Cayetano, Executive Sec. Salvador Medialdea, pati na rin ang iba pang mga kongresista, bitbit ang isang Manila paper na may nakasulat na “Together with doctors and frontliners, we went to work for you, so please stay home for us.”

Ginawa ito ng naturang mga opisyal sa maiksing oras na suspended ang special session nila kaninang umaga.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng special session, pinaalalahanan ni Cayetano ang publiko na sumunod sa apela ng gobyerno na manatili sa bahay upang mapigilan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19.

Ginamit pa nga niya ang tunog na “PSST” na kadalasang ginagawa ng mga Pilipino para tawagin ang isa’t isa, upang igiit ang bilin ng pamahalaan sa umiiral na enhanced community quarantine.

“Today, let’s remember a simple way of calling each other. Paano ba natin tawagin ang mga Pilipino kahit nasa abroad tayo? Hindi ba sinisitsitan natin? Psst! Psst! PSST. P, prayer, S, stay at home, S, save lives, and T, take home package or take home pay which we will pass today,” ani Cayetano.