CAUAYAN CITY – Dinagsa ng mga may-ari ng mga sasakyan ang unang araw sa tatlong araw na Radio Frequency Identification (RFID) Caravan.

Isinagawa ito sa Cauayan City Sports Complex sa Tagaran, Cauayan City na pansamantala munang isinara sa publiko.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public and Order safety Division (POSD) chief Pilarito Malillin, sinabi niya na nagtalaga sila ng entry at exit point para maayos ang pila.

Ipinatupad din nila ang One Way Traffic Scheme para kahit mahaba ang pila ay maayos pa rin ang paglabas at pagpasok ng mga sasakyan sa sports complex.

Ang entrance point ay sa Tagaran highway at sa Cabatuan road habang marami ang exit point at madali lamang itong makita dahil naglagay din sila ng mga signage.

Ayon kay POSD chief Malillin, galing pa sa Metro Manila ang mga RFID personnel at sumailalim muna sila sa swab test bago sila pinayagang makapagbigay ng RFID sticker.

Ang pahayag ni POSD Chief Pilarito Mallillin

Ngayong araw ay nakatakda ang Metro Cauayan at mga bayan sa District 5 habang bukas ay ang mga bayan at lunsod na nasasakupan ng District 1 at District 2.

Sa ika-22 ng Enero ay ang District 3, District 4 at District 6 ng Isabela.

Samantala, alauna kaninang madaling araw ay nasa lugar na si Mr. Zaldy Crisostomo ng Marabulig 1, Lunsod ng Cauayan.

Aniya, inagahan nila ng kanyang mga pamangkin na pumunta sa Cauayan City Sports Complex para sila ang mauna sa pila.

Ang pahayag ni Mr. Zaldy Crisostomo.