Naniniwala ang Trade Union Congress of The Phils. o TUCP na naging maganda ang kinalabasan ng unang araw ng 3-day National Vaccination Drive.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Allan Tanjusay, tagapagsalita ng Trade Union Congress of The Phils o TUCP na batay sa pahayag ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH hanggang alas kuwatro y medya ng hapon kahapon ay aabot sa 49% ng mga Local Government Units sa buong bansa ay nakapagbakuna na ng mahigit  550 thousand.

Nagpapakita anya ito ng magandang Bayanihan ng mga Local Government Units, mga opisyal ng Barangay at iba’t ibang sektor upang mahikayat ang publiko na magpabakuna.

Inihayag pa ni Ginoong Tanjusay na kung marami ang mababakunahang mga manggagawa sa tatlong araw na National Vaccination Day ay magkakaroon ng proteksiyon sa sarili lalo na sa panibagong Omicron Variant ng COVID-19 na nagmula sa South Africa.

Kapag nabakunahan ang mas nakakaraming manggagawa ay tiyak ang dahan dahan na pagrecover ng ekonomiya mula sa pandemic crisis.

-- Advertisement --

Maganda anya ang ginagawang pamamaraan ng mga LGUs at mga barangay upang mahikayat ang publiko na magpa-bakuna.

Sinabi pa ni G. Tanjusay na pagdating sa unang araw ng Disyembre ay maaaring ipapatupad na ang no vaccine no work na maaaring magdulot ng girian sa pagitan ng mga  manggagawang hindi bakunado at mga employer.

Sa halip anya na no vaccine no work ay maaring daanin na lamang sa insentibo upang mahikayat ang mga manggagawang magpapabakuna.