CAUAYAN CITY Natagpuang patay ang isang security guard sa loob ng binabantayan niyang pawnshop sa public market, Centro East, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO) ang biktima ay si Lowel Rodriguez, 41 anyos, may asawa, security guard at residente ng Echague, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng Station 1, ang wala nang buhay na katawan ni Rodriguez ay natagpuan ng kapwa security ng pawnshop na papalit sa kanya.

Sa kuha ng CCTV Camera ng establishimento, nakita na uminom ng alak si Rodriguez bago natulog sa loob ng pawnshop.

Nakita rin ang pagpasok kinaumagahan ng papalit sa kanyang security guard.

-- Advertisement --

Naniniwala ang mga otoridad at Scene of the Crime Operatives (SOCO) na walang naganap na komosyon bago ang pagkamatay ni Rodriguez.

Dinala sa isang punerarya ang bangkay ng security guard bago ipinasakamay sa kanyang pamilya.