CAUAYAN CITY – Mayroon ng person of interest ang San Guillermo Police Station sa pamamaril-patay sa isang binata sa Sitio Pantar, Colorado, San Guillermo, Isabela.

Ang biktima ay si Prince Joy Rugnao, 19-anyos, binata at residente ng Barangay Centro 2 ng nabanggit na bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Joseph Jonathan Binayug, hepe ng San Guillermo Police Station, sinabi niya na nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag na may vehicular accident sa Barangay Colorado.

Agad naman itong tinugunan ng mga kasapi ng PNP San Guillermo subalit wala na ang biktima dahil nauna ng nirespondihan ng Rescue 802 ng naturang bayan at dinala sa isang pagamutan sa lunsod ng Santiago.

Nagtaka naman ang mga pulis dahil sa dami ng dugo sa lugar at parang may tama ng bala ang tricycle kaya nagduda silang hindi ito vehicular accident kundi maaaring may nangyaring pamamaril.

Sa pagsisiyasat ng pulisya at batay na rin sa witness, kasunod niya ang tricycle na minamaneho ng biktima na sinusundan naman ng suspek na sakay ng motorsiklo at naghahabulan umano patungo sa Poblacion.

Nagpahuli umano ang witness at nakita niya ang suspek na bumalik habang nakita naman niya ang biktima na nawalan ng kontrol sa pagmamaneho at napunta sa ibang direksyon dahilan para masugatan sa ulo.

Sa pagsisiyasat ng kapulisan, maaring dahil sa pamamaril kaya nawalan ng kontrol ang biktima sa pagmamaneho.

Hindi naman makumpirma ng doktor kung may tama ng baril si Rugnao kaya isinailalim pa sa CT scan at napag-alamang may tama ng baril sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo na tumagos pataas sa kanang bahagi.

Narevived naman umano ang biktima subalit binawian din ng buhay habang inoobserbahan.

Sa pakikipag-ugnayan ng PNP San Guillermo sa pamilya ng biktima, napag-alaman na matagal na itong may kaalitan dahil sa pagbibintang sa kanya.

Tinig ni PMaj. Joseph Jonathan Binayug.