CAUAYAN CITY – Naniniwala ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON na mawawalan ng saysay ang fuel subsidy na ipinamamahagi ng Department of Energy sa mga tsuper at operators sa bansa kung magpapatuloy ang price hike sa produktong petrolyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mody Floranda ang pangulo ng PISTON sinabi niya na bagamat gumugulong na ang pamamahagi ng pamahalaan sa 7,200 na ayuda para sa mga tsuper na naapektuhan ng sunod sunod na taas presyo ng langis ay hindi parin ito sapat para sa libo libong mga driver operators na naapektuhan ng pandemiya at oil price hike sa labas ng National Capital Region.

Aniya ang ulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na isang daan at  tatlumpong libo  driver operators ang makikinabang sa fuel subsidy ng pamahalaan ay limitado lamang sa mga driver operators sa NCR, Central Luzon at Region 4-A.

Kaya patuloy ang panawagan nila sa kongreso na bigyan rin ng ayuda ang iba pang mga tsuper sa hanay ng public transportation na labis ring naapektuhan ng pandemiya at sunod sunod na oil price hike.

Giit niya na kung maglalaan man ang pamahlaan ng pondo ay dapat ring maikunsidera ang pangkalahatang estado ng mga namamasada  maging ang buong sektor ng public transportation na naapketuha rin ng COVID 19.

-- Advertisement --

Kung sila lamang aniya ang tatanungin ay dapat at napapanahon nang galawin o kanselahin ng pamahalaan ang excise tax sa langis.

Paliwanag niya na kung papatawan parin ng buwis ang produktong petrolyo ay tumataas ang presyo nito sa Pilipinas kahit walang naitatalang paggalaw sa Pandaigdigang pamilihan.

Kung matatandaan na naghain ng tatlong pisong fare increase sa kongreso ang PASA MASDA dahil sa walang humpay na pagsirit sa presyo ng petrolyo, paglilinaw ng PISTON na bagamat kailangan rin ng mga namamasada ang dagdag na kita at pasahe ay hindi parin napapanahon para sa grupo ang ganitong mga hakbang para sa mga mangagawa at ordinaryong mamamayan na naapketuhan rin ng pandemiya.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Mody Floranda.