CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit pitumpong milyong piso ang halaga ng iniwang pinsala ng Bagyong Kiko sa sektor ng agrikultura sa ikalawang rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 sinabi niya na umabot sa P71 milyon ang kabuuang halaga ng nasira sa sektor agrikultura sa rehiyon dahil sa pananalasa ng Bagyong Kiko.

Naipadala na ng DA Region 2 sa punong tanggapan ng DA noong ikadalawamput-isa ng Setyembre ang closing report para sa mga nasirang pananim na palay, mais at high value crops maging ang kaunting livestock dahil sa bagyong kiko.

Umabot sa P3.7 milyon ang halaga ng nasira sa panim na palay habang umabot naman sa P8.2 milyon naman sa mais.

Pinakamalaking nasira ang high value crops mula sa Batanes at northeastern portion ng Cagayan na umabot sa P16.5 milyon.

-- Advertisement --

Umabot naman sa 6.5 milyon ang naitalang halaga ng mga namatay na livestock na karamihan ay mga manok, bisiro ng baka at kambing na karamihan ay sa lalawigan ng Batanes.

Nasa P27.9 milyon naman ang halaga ng nasira sa Agri-infrastructure sa lalawigan ng Batanes.

May mga nasira ring solar power irrigation hydrophonic system ng DA Region 2 na umabot sa P2.2 milyon.

Ayon kay Regional Executive Director Edillo may nakahanda na silang bufferstock o binhi ng gulay na nasa kanilang resource station at magpapadala pa sila ng dalawandaang kilo ng assorted vegetable seeds para sa mga magsasaka na apektado.

Wala pa umanong nakalaang pondo para sa livestock ngunit ipinahabol na ni Regional Executive Director Edillo ang kanilang report para makakuha sila ng share sa quick response fund.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2.