CAUAYAN CITY – Sumailalim na sa COVID-19 vaccine ang mga Pinoy Health Workers sa Estados Unidos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ninna Rockefeller, Pinoy Nurse Supervisor sa Los Angeles, California at tubong lalawigan ng Quirino, sinabi niya na marami na silang mga Pinoy healthcare workers ang nabakunahan sa Amerika.

Aniya, wala silang pagpipilian kundi magpabakuna dahil kung hindi sila magpabakuna at nagpositibo sa COVID-19 ay hindi babayaran ng kumpanya ang araw na hindi sila makakapagtatrabaho.

Gayunman bago siya nagpabakuna noong January 8, 2021 ay nag-obserba muna siya.

Inamin niyang natakot siya dahil wala pang kumpletong clinical trial at wala ring long term clinical trial ang mga ginagamit ngayon na bakuna sa Estados Unidos.

Ayon pa kay Rockefeller, masakit ang mabakunahan na tumagal pa ng dalawang araw at nagkaroon din ng pamamaga.

Sinabi niya na moderna ang ginagamit na bakuna ng pagamutan na kanilang pinagtatrabahuan sa kabila ng pag-apruba ni President Elect Joe Biden na gamitin ang Pfizer.

Gayunman ay pareho ring hindi pa aprubado ng United States Food and Drug Administration (FDA) ang mga naturang bakuna.

Ginagawa aniya ito ng pamahalaan ng Estados Unidos para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 subalit sa nakalipas namang holiday season ay natriple ang kaso ng mga nagpositibo.

Sinabi pa niya na kahit nabakunahan na ng moderna ay may posibilidad pa ring magpositibo sa virus.

Sa ngayon ay nananatiling naka-lockdown ang Los Angeles, California bunsod pa rin ng naturang virus.

Ang bahagi ng pahayag ni Ninna Rockefeller, Pinoy Nurse Supervisor sa Los Angeles, California, U.S.A.