CAUAYAN CITY – Nagsimula na ang delivery ng mga libreng RCEF seeds sa mga munisipalidad sa rehiyon mula sa PhilRice.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Andres Dela Cruz, ang RCEF Coordinator ng PhilRice San Mateo Isabela, sinabi niya na nagsimula ang Dry Season noong ikalabing anim ng Setyembre kaya nagsisimula na silang magdeliver ng libreng binhi.

Aniya sakop ng RCEF Seed Program ang lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino sa rehiyon dos at may siyam na munisipyo nang nabigyan sa Nueva Vizcaya habang apat naman sa Quirino.

May nabigyan na ring apat na munisipyo sa Kalinga at sa Alfonso Lista sa lalawigan ng Ifugao.

Ayon kay Ginoong Dela Cruz target nilang maipamahagi ang nasa 43,500 bags ng libreng binhing palay sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at 26,500 bags naman para sa lalawigan ng Quirino.

-- Advertisement --

24,000 bags ang inilaan para sa lalawigan ng Kalinga at 10,000 bags naman sa lalawigan ng Ifugao.

Target na maipamahagi ang lahat ng mga binhi bago mag umpisa ang pagtatanim ng mga magsasaka sa rehiyon.

Matapos maideliver sa mga munisipyo ay ang LGU na ang bahala para sa distribusyyon sa mga benepisaryong mabibigyan ng libreng binhi pangunahin na sa mga rehistrado sa RSBSA at mga kooperatiba.

Aniya nakaplano ang RCEF Seeds Program para sa mga irrigated na sakahan ng palay at hindi kabilang ang mga upland rice farmers dahil may ibang programa ang kagawaran ng pagsasaka para sa kanila.

Hinihikayat naman ni Ginoong Dela Cruz ang mga magsasaka na hindi pa nakakapagparehistro sa RSBSA na magparehistro na upang mapabilang sa mga mabibigyan ng libreng binhi kapag nakahabol sa distribusyon.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Andres Dela Cruz.