CAUAYAN CITY – Tiniyak ng DA Region 2 na nagpapatuloy ang pamamahagi ng libreng abono sa mga magsasaka.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 sinabi niya na tuluy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng kagawaran ng libreng abono.

Ngunit ayon kay RED Edillo may ilang service providers o mga agricultural supplier na katuwang ng DA ang pansamantalang hindi muna nakibahagi sa nasabing programa.

Aniya ito ay dahil sa tumaas na presyo ng abono sa merkado at ang nakalagay lamang sa voucher ay ang dating presyo ng abono na nasa isang libong piso  pa lamang.

May mga service providers na hindi pa nasisingil sa kagawaran ang nakuhang abono ng mga magsasaka sa papamagitan ng voucher kaya bago sila muling tatanggap ng vouchers ay kailangan munang mabayaran ng DA ang una nilang nailabas na abono.

-- Advertisement --

Mahigpit umano ang mga bangko sa pagrerelease ng bayad sa mga service providers dahil sa fact checking sa mga nauulit na vouchers kaya natatagalan ang bayad sa mga ito.

Tiniyak naman ni RED Edillo na may mga service providers pa ring patuloy na tumatanggap ng vouchers kayat hinikayat niya ang mga magsasaka na miyembro ng RSBSA na kunin na ang kanilang libreng abono para sa dry season o sa taniman ngayong buwan ng Disyembre.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo.