CAUAYAN CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng Japanese Government kung sino ang utak sa pagpapakalat ng bomb threats sa 170 eskwelahan sa Japan.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Myles Briones Beltran na unang nakatanggap ng pagbabanta ang ilang eskwelahan noong Lunes.
Dahil naalarma ang karamihan ay napilitang magsara ang ilang eskwelahan.
Aniya, ipinadala ng hindi pa natutukoy na pinaghihinalaan ang mga pagbabanta sa pamamagitan ng fax machine na hinihinalang nag-umpisa sa Hokaido at Horoshima habang nito lamang mga nakaraang araw ay nakatanggap na rin ng pagbabanta ang Osaka at Ibaraki Prefecture.
Tiniyak naman ng mga otoridad na sa kabila ng pagbabanta ay walang naganap na pagsabog ng bomba sa mga entrance ng mga eskwelahan gayunman mananatiling nakaalerto ang mga otoridad.
Humihiling umano ang pinaghihinalaan ng 300,000 to 3 million yen o katumbas ng P126,000 hanggang P1.2 million upang itigil ang pagbabanta at nag-iwan ng bank acount kung saan umano idedeposito ang pera.