CAUAYAN CITY – Patuloy na nilalapatan ng lunas ang isang pulis na nasugatan matapos na bumangga kaninang umaga sa isang kotse ang minamanehong motorsiklo sa national highway Minante 2, Cauayan City.

Ang nasugatan ay si PLt Rodel Vicente na nakatalaga sa 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC) sa Alinam, Cauayan City at residente ng Jones, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Vicente na patungo siya sa Lunsod ng Ilagan para sa kanyang schooling nang mangyari ang aksidente.

Tumilapon siya sa kanyang motorsiklo at nagtamo ng mga sugat sa mukha at iba pang bahagi ng katawan.  

Sa naunang naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Edison John Musni, tsuper ng kotse at residente ng Caloocan City, sinabi niya na nagsignal na siya na liliko para magpagasolina ngunit biglang bumangga sa kanyang sasakyan ang motorsiklo na mabilis ang takbo.

-- Advertisement --

Iginiit niya na wala siyang kasalanan dahil umagaw ng linya ang motorsiklo.

Nakahanda siyang tumulong sa pagpapagamot ng tsuper ng motorsiklo na hindi agad napag-alaman na isang opisyal ng 2nd IPMFC.