CAUAYAN CITY – Naniniwala ang militar na malaking dagok sa New Peoples Army ang sunod sunod na pagkakobkub sa kanilang mga kuta sa bahagi ng Isabela at Cagayan.

Dahil sa patuloy na kampanya kontra terorismo at insurhensiya ng militar ay sunod sunod na nakubkob ng 5th Infantry Division Philippine Army ang kuta ng mga NPA at pinakahuli rito ay ang pagkakadiskubre ng kanilang imbakan ng pagkain sa barangay Iska, Gonzaga, Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Jekyll Dulawan, Chief Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na noong nakaraang linggo lamang ay nakubkob ng militar ang imbakan ng mga  pagkain at supply ng NPA sa Sitio Tagcar, Isca, Gonzaga, Cagayan ilang kilometro lamang ang layo mula sa Sta. Teresita kung saan huling nakita ang presensiya ng rebeldeng grupo.

Nahukay sa naturang lugar ang halos limampung litro ng bigas na nakasilid sa limang galon.

Ayon kay Army Major Dulawan estratehiya ng rebeldeng grupo ang paguhukay o paglilibing ng kanilang mga supply upang maiwasang masira ang mga nakaimbak na bigas.

-- Advertisement --

Dahil sa pagkakadiskubre ng imbakan ng mga pagkain at kagamitan ay mas lumalakas pa ang hinala ng militar na ang bulubunduking nakakasakop sa bahagi ng Gonzaga at Sta. Teresita ang nagsisilbing kuta  ng mga rebeldeng pangkat.

Palatandaan din ito na ang naturang barangay ay may impluwensiya o  na-impluwensiyahan ng NPA.

Bilang hakbang ay agad na nagsasagawa ng information dissemination ang militar sa mga lugar na may presensiya ng NPA sa tulong na rin ng mga dating rebelde na kasalukuyang nasa kanilang pangangalaga.

Ang pagsama sa  mga dating rebelde ng mga sundalo na nagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa panlilinlang ng mga NPA ang lalong makakahikayat sa mga mamamayan na hindi paniwalaan ang propaganda ng mga komunista.

Samantala, dahil sa patuloy na pagliit ng  lugar na ginagalawan ng NPA ay umaasa ang militar na masusundan pa ang pagbabalik loob ng mga natitira pang mga rebelde.

Ito ay matapos na magbalik loob sa pamahalaan ang ilang kasapi ng anak pawis kabilang na ang mataas na opisyal ng Anakpawis Cagayan Chapter.

Nadagdagan pa ng tatlo ang ang apat na sumukong matataas na opisyal ng ANAKPAWIS Cagayan kabilang ang ilang party members.

Isinusulong pa rin ng militar  ang mga programa sa ilalim ng  NTF-ELCAC sa mga liblib na lugar sa kanilang nasasakupan hindi lamang sa lalawigan ng Isabela kundi maging sa lalawigan ng Cagayan.