CAUAYAN CITY – Maraming illegal campaign posters ang nakumpiska ng Commission on Elections (Comelec) sa muling pagsasagawa ng Operation Baklas sa Santiago City.

May mga naitalang paglabag ang ilang kandidato sa pinaigting na pagpapatupad sa Omnibus Election Code.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Joanna Vallejo-Dela Cruz ng Comelec sa Santiago City, sinabi niya na marami ang nabigla sa kanilang isinagawang operasyon at umalma ang mga tagasuporta ng ilang kandidato sa kanilang Operation Baklas.

Magsasampa sila ng disqualification case laban sa mga kandidato na lumabag sa batas sa halalan .

Iginiit ni Atty. Dela Cruz na alam ng mga kandidato ang mga nakasaad sa Omnibus Election code at paulit-ulit ang kanilang mga paalala sa mga kandidato na sumunod sa itinakdang common poster areas sa Lungsod.

Nagpaalala rin siya sa mga kandidato na kontrolin ang kanilang mga tagasuporta upang maiwasan ang hindi kanais-nais na pangyayari.