CAUAYAN CITY – Umabot sa 1,630 na pamilya o 4,950 na individual ang inilikas sa preemptive evacuation na ipinatupad sa Cagayan at Isabela noong bagyong Kiko.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Michael Conag ng Office of Civil Defense (OCD) region 2, na ang naturang bilang ay inilikas sa ipinatupad na preemptive evacuation sa 17 na bayan sa rehiyon.

Marami ring evacuees ang nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.

Sa Cagayan ay naitala ang maraming evacuees sa mga bayan ng Sta, Ana, Calayan Island, Alcala, Baggao,  Gattaran, Gonzaga, Lallo, Solana at Sta.Teresita.

Sa Isabela, ang mga  evacuees na 164 na pamilya sa Maconacon at Divilacan ay nakauwi na sa kanilang mga bahay.

Ayon kay Information Officer Conag, sa Batanes ay hirap pa ang komunikasyon kaya inisyal pa lang ang mga nakuha nilang report.

Sa Sabtang at Itbayat ay wala pa ring tustos ng koryente at may mga bahay na inilipad ng malakas na hangin ang mga yero.

May naitala ring pagguho ng lupa  sa bayan ng  Sabtang at hindi madaanan ang Samnanga-Natanuan Road.

Samantala, sa Nueva Vizcaya ay mayroon ding naitalang pagguho ng lupa sa barangay road sa Aritao.

Ang junction road sa Ambaguio ay one lane passable habang hindi madaanan ang Benguet-Balete road at patuloy ang clearing operation.

Sa lalawigan ng Quirino ay one lane passable ang Junction Abbag, Nagtipunan-Nueva Vizcaya road.

Passable ang lahat ng mga  pambansang lansangan at pangunahing tulay sa Lambak ng Cagayan.

Ang pahayag ni Information Officer Michael Conag