CAUAYAN CITY – Natagpuang patay ang isang lalaki sa San Fermin, Cauayan City dahil umano sa labis na pag-inom ng alak.

Ang lalaki ay 40-anyos at residente rin ng naturang lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa kaibigan ng lalaki na kanilang tinugunan at nakita na lamang ito na  nakahandusay sa  tinutulugan at wala ng buhay.

Tinawagan din ng pulisya ang Rescue 922 na nagkumpirma ring patay na ang lalaki.

Batay sa salaysay ng kapatid ng lalaki, may problema ang kapatid nito at nang kanyang kinakasama na naging dahilan para araw-araw at gabi-gabing naglalasing at hindi na rin kumakain.

Hinala ng mga kaanak ng lalaki na ang labis na pag-inom ng alak ang sanhi ng pagkamatay nito.

Batay sa pagsusuri ng Scene of the crime Operatives (SOCO) Cauayan City, walang palatandaan na  may foul play sa pagkamatay ng naturang lalaki.