CAUAYAN CITY – Itinuturing ng Roxas Police Station na sarado na ang kaso ng pagkamatay ng magkarelasyong negosyante at saleslady na natagpuang patay sa loob ng isang Toyota Pick up kotse na may tama ng bala sa kanilang ulo.

Ito ay matapos na lumabas sa imbestigasyon ng Roxas Police Station na binaril ng negosyanteng si Thomas Gregotcha, 59 anyos ang kanyang karelasyon na si Cristina Gragasin, 19 anyos bago nagbaril din sa ulo sa loob ng kanyang sasakyan na nakaparada sa gilid ng daan sa San Antonio, Roxas, isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Arthuro Cachero, OIC Chief of Police ng Roxas Police Station na itinuturing na nilang nalutas na ang kasong pagkamatay nina Gregotcha, biyudo, residente ng Rizal, Roxas, Isabela at Gragasin, saleslady at residente ng Nueva Era, San Manuel, Isabela.

Ayon kay PMaj Cachero, nagkasundo ang anak ng biktimang si Gregotcha at ina ni Gragasin na magkaroon ng compromise agreement na hindi na magrereklamo dahil naniniwala sila na binaril ng negosyante ang kasintahan bago nagbaril sa sarili.

Ang baril na narecover sa crime scene ay nasa pangangalaga ng PNP Crime Laboratory habang ang Toyota pick-up na may plakang AJA 1218 kung saan natagpuan ang bangkay ng dalawa ay ipinasakamay na sa pamilya ng negosyanteng si Thomas Gregotcha.

-- Advertisement --
Ang tinig ni PMaj Arthuro Cachero